Lumagda ang Pilipinas at Japan sa isang loan agreement para sa dalawang proyektong pang-imprastruktura sa Metro Manila at Mindanao ngayong Biyernes, Marso 27, 2026.
Kabilang sa nilagdaan ang Fourth Tranche Loan for Phase 1 of the Metro Manila Subway Project (MMSP 1), na may pagpopondo mula sa gobyerno ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Nagkakahalaga ang naturang loan ng 220 billion yen o katumbas ng tinatayang P84.81 billion.
Kasama sa lumagda ang Department of Transportation, Department of Foreign Affairs at Embassy of Japan sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ng DFA na layunin ng proyekto na matugunan ang tumataas na demand sa transportasyon, maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa rehiyon at makatulong na matugunan ang polusyon sa hangin at climate change.
Nilagdaan din ang loan agreement para sa Central Mindanao High Standard Highway Construction Project saklaw ang Cagayan de Oro-Malaybalay Section sa ilalim ng Department of Public Works and Highways na popondohan din ng JICA.
Nagkakahalaga ang loan ng 1.672 billion yen o tinatayang P644 million. Inaasahang mapapaikli nito ang oras ng biyahe sa pagitan ng Cagayan de Oro at Malaybalay mula anim at kalahating oras sa tatlo at kalahating oras.
Target na maipatupad ang proyekto sa loob ng walong taon mula 2026 hanggang 2034 habang ang Metro Manila Subway Project ay inaasahang matatapos sa taong 2031.
















