Pinalakas ng Pilipinas at India ang kanilang maritime alliance nang ang mga tauhan ng coast guard ng magkabilang panig ay gumawa ng kanilang unang bilateral talks upang matiyak ang “safe, secure and clean seas” sa Indo-Pacific region.
Nabuo ito nang lagdaan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Indian Coast Guard ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pinahusay na maritime cooperation, na kasunod ng pagbisita ng delegasyon ng PCG sa New Delhi, India.
Inilarawan ng Indian Ministry of Defense ang paglagda bilang isang makabuluhang hakbang patungo sa pagpapatibay ng bilateral cooperation sa pagitan ng Manila at New Delhi.
Ang paglagda ay dumating habang ang India ay lumahok rin ngayong taon sa mga bansa na tumatawag sa pananalakay at paglusob ng China sa West Philippine Sea, isang bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kung matatandaan, sa pagdiriwang ng ika-7 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award sa West Ph Sea, nagpahayag ng suporta ang India sa pag-angkin ng Pilipinas.
Nanawagan si Indian Ambassador Shambhu Kumaran para sa pagsunod sa internasyonal na batas habang umaasa ang New Delhi sa mas mahusay na pakikipag-ugnayan” sa ating bansa pagdating sa maritime security.
Ayon sa Indian Defense Ministry, ang MOU na nilagdaan ay naglalayong mapahusay ang propesyonal na ugnayan sa pagitan ng dalawang Coast Guard sa domain ng Maritime Law Enforcement (MLE), Maritime Search & Rescue (M-SAR) at Marine Pollution Response ( MPR).