Nangako ang Pilipinas at Canada na ipagpapatuloy ang kanilang matibay na pagkakaibigan at tiyakin ang ligtas at patas na migration para sa mga manggagawang Pilipino.
Pinasalamatan ni DMW Undersecretary for Policy and International Cooperation Patricia Yvonne Caunan ang gobyerno ng Canada sa pagtataguyod ng mga karapatan at kapakanan ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Kasabay ito ng Friendship Week na nagbibigay-diin sa matibay na pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at Canada sa pagtataguyod ng patas, at ligtas na recruitment.
Gayundin ang pagpapatibay ng mas matibay na ugnayan upang isulong ang labor cooperation ng dalawang bansa.
Ang Philippines-Canada Friendship Week ay tatakbo mula Oktubre 23 hanggang Oktubre 26 at magtatampok ng mga educational seminar, kabilang ang pagtatanghal sa “Fair and Ethical Recruitment” ng International Organization for Migration (IOM), at ang “Challenges Encountered by Filipinos Migrating in Canada.
Pinasalamatan ni Canadian Ambassador to the Philippines David Hartman ang DMW para sa mapagbigay na mabuting pakikitungo at para sa inisyatiba na magdaos ng Friendship Week upang ipagdiwang ang tagumpay ng Canada at Pilipinas.
Ayon sa Statistics Canada, ang 2021 Census of Population ay nagpakita na mayroong 957,355 Canadians na may pinagmulang Filipino, kung saan 757,410 sa kanila ang nag-uulat na sila ay ipinanganak sa Pilipinas at nag-migrate sa Canada.