-- Advertisements --

Ibinida ng Philippine Army at ng United States Army Pacific (USARPAC) ang kakayahan ng M142 High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) sa isang live-fire exercise bilang bahagi ng SALAKNIB 2026 sa Canantong, Laur, Nueva Ecija nitong Huwebes.

Ayon sa Philippine Army, ang HIMARS ay isang mobile at multi-launch rocket system na nakasakay sa five-ton truck chassis. Ginamit na rin umano ito sa mga operasyon sa Middle East at kamakailan lamang sa Ukraine.

Sa isinagawang drill, gumamit ang sistema ng anim na reduced-range practice rockets (RRPR) upang ipakita ang kakayahan nito sa mabilisang pagpapaputok.

Nabatid na umaabot sa humigit-kumulang 15 kilometro ang tinarget na distansya ng mga guided projectiles.

Dumalo rin sa live firing sina Philippine Army Training Command Commander Major General Michael Logico at USARPAC 25th Infantry Division Deputy Commander Brigadier General Jonathan Velishka.

Ayon sa Philippine Army, mahalaga ang naturang pagsasanay sa paglipat ng puwersa tungo sa territorial defense posture, habang pinalalakas ang kakayahan sa long-range precision fires sa tulong ng mga kaalyadong pwersa.

Isinasagawa ang SALAKNIB Phase 1 mula Abril 6 hanggang Abril 17, kung saan nakikibahagi rin ang mga tropa mula sa Japan Ground Self-Defense Force at Australian Army, bukod sa Pilipinas at Estados Unidos.