ILOILO CITY – Kasinungalingan umano para sa Philippine Army ang pahayag ng New People’s Army (NPA) na walang nangyayaring recruitment sa mga Junior at senior high school students sa lalawigan ng Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, commander ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, sinabi nito na nililinlang daw ng rebeldeng grupo ang publiko sa pamamagitan ng pagsisinungaling.
Ayon kay Batara, may nagaganap na NPA recruitment sa mga menor de edad dahil madali raw makumbinsi ang mga ito.
Inihayag din ni Batara na kabilang sa mga patunay sa kanyang mga sinasabi ay ang nakuhang footage ng Closed Circuit Television camera sa Brgy. San Jose, Miag-ao, Iloilo noong mga nakalipas na buwan kung saan nakita ang mga menor de edad na may bitbit na armas at binabaklas ang camapaign poster ng isang pulitiko.
Maliban dito, ang nakitang bangkay ng lalaki sa encounter site sa Brgy. Ongyod, Miag-ao, Iloilo ay pinaniniwalaang menor de edad at miyembro ng Suyak Platoon Southern Front Komiteng Rehiyon Panay.
Nauna nang pinabulaanan ni Gabriela Tubongbanwa, ang political information officer ng Napoleon Tumagtang Command ng New People’s Army, ang tungkol sa recruitment sa mga menor de edad.
















