-- Advertisements --
army

Target ngayon ng Philippine Army na magtatag ng dedicated counter-intelligence unit para tutukan at i-monitor ang mga discharged soldier sa ating bansa.

Ito ay matapos na mapag-alaman ng mga otoridad na dating militar ang mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo dahilan kung bakit nakakaladkad ngayon ang reputasyon ng Philippine Army.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, mahalagang masubaybayan ang lahat ng mga dating sundalong may mga “special skills” partikular na ang mga “dishonorably discharged soldiers”.

Aniya, ang itatatag na counter-intelligence unit ng Hukbong Katihan ay makikipagtulungan sa Philippine National Police upang maiwasan na mapariwara ang kanilang landas upang hindi sila masangkot sa mga ilegal na gawain.

Bukod dito ay sinabi rin ni Col. Trinidad na pinag-aaralan din nila ngayon na isama na rin ang naturang mga sundalo sa kanilang Philippine Army Transition Assistance Program na nagbibigay ng counseling and education, training, livelihood, at legal services upang matulungan ang mga ito na makaag-adjust sa buhay-sibilyan.

Samantala, kaugnay nito ay muli namang binigyang-diin ng Philippine Army na ang mga suspek sa pagpatay kay Governor Degamo ay matagal nang wala sa serbisyo dahil hindi aniya “fit” ang mga ito para sa kanilang hukbo matapos na hindi makamit ng mga ito ang mga standards na kinakailangan ng hukbo para sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Kasabay nito ay muli rin nitong iginiit na ang PH Army ay isang highly professional organization na nananatiling tapat at disiplinado sa pagtupad sa kanilang mandato na lingkod sa taumbayan at protektahan buong teritoryo ng Pilipinas.