-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine Army na hindi nito kukunsintihin ang masasamang gawain ng kanilang mga tauhan bilang ama at asawa sa kanilang pamilya.

Sa isang mensaheng ipinadala ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala sa Bombo Radyo Philippines ay sinabi niya na sa ilalim ng pamumuno ni PH Amry commander, LTGEN. Roy Galido ay kinokondena at hindi kinokonsinte ng Hukbong Katihan ang ganitong uri ng maling gawain sa kanilang hanay.

Sa naturang mensahe ay binigyang-diin ng opisyal na palagiang ipinapatupad sa kanilang hukbo ang Gender Based Violence Referral System na sumisimbolo sa commitment ng Philippine Army pagdating sa usapin ng gender equality at well-being ng kanilang sundalo at dependents.

Kaugnay nito ay tiniyak ng opisyal na patuloy na ipapatupad ng naturang hukbo ang gender policies and laws para itaguyod ang access ng kababaihan sa kaligtasan at hustisya.

Kasabay nito ay binigyang-diin naman ni LtGen Galido ang pagpapahalaga sa kabanalan ng isang pamilya dahil malaki ang epekto nito sa propesyonal na pag-unlad at personal na pananaw ng isang sundalo sa buhay, lalo na sa kanyang sinumpaang tungkulin na maglingkod sa bansa at sa taumbayan.

Ang pahayag na ito ng Philippine Army kasunod ng isyu na dala ng pagkakaantala ng promotion ng isang Army official na si Ranulfo Sevilla matapos na maghain ng apela ang kaniyang asawa at anak sa Commission on Appointments para tutulan ang kaniyang promosyon nang dahil sa umano’y pang-aabuso at hindi pagbibigay ng nararapat na sustento para sa kaniyang pamilya.