Personal na binisita ng Commanding General ng Philippine Army na si Lt. Gen. Romeo S. Brawner ang mga naulilang pamilya ng apat sundalong nasawi sa pamamaril sa loob ng Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.
Ito ay upang personal na magpaabot ng simpatya at pakikiramay sa naiwang pamilya ng mga biktima.
Kasabay nito ay nagpaabot din siya ng tulong pinansyal sa pamilya ng apat na mga sundalo ng Service Support Battalion sa kaniyang pagdalo sa lamay ng mga ito sa 4ID Gymnasium sa nasabing kampo.
Bukod dito ay binisita din ni Gen. Brawner ang isa pang sundalong sugatan mula sa naturang insidente na kasalukuyan namang naka-confine at nagpapagaling ngayon sa Camp Evangelista Station Hospital (CESH).
Kung maaalala, nasawi ang apat at nasugatan naman ang isang sundalo sa naganap na shooting incident nitong Sabado matapos na mag-amok ang kanilang kapwa sundalo sa loob ng kanilang barracks.
Ang nasabing suspek sa pamamaril ay nasawi rin sa naturang insidente matapos ang naging pagresponde ng dalawa pang sundalo.