Mas lalo pang pinaigting ng Philippine General Hospital (PGH) ang mga paghahanda at requirements na kinakailangan para sa papalapit nang vaccine rollout ng bansa.
Ito ay kasunod nang inaasahan na pagdating sa Pilipinas ngayong linggo ng unang batch ng coronavirus disease vaccines.
Una nang nagsagawa ng simulation exercises ang PGH bilang parte ng paghahanda nito para sa pagbabakuna ng mga frontliners at gayundin ang malawakang vaccination rollout sa buong bansa.
Ayon kay PGH spokesperson Jonas del Rosario, nagsasagawa na rin umano ang ospital ng masisinsinang pag-aaral at matiyagang pina-practice ang proseso ng inoculation program sa pamamagitan ng paglulunsad ng dry runs.
Mayroong apat na steps ang adopted process ng simulations para sa pagbabakuna. Una ay ang registrastion kung saan ang mga indibidwal na nagnanais mabakunahan ay kailangang mag sign-up sa kanilang programa. Dito ay tatanungin ang pasyente kung may nararanasan itong allergies, saka ipapaalam ang magiging benepisyo at advantages sa oras na magpabakuna. Ang mga kwalipikadong vaccine recipients ay sasailalim sa general screening.
Ikalawa ay ang screening process, counseling, at pag-check sa kasalukuyang health status ng recipient, tulad na lamang ng vital signs, blood pressure at body temperature.
Ang mga magbabakuna mula sa PGH ay gagamit ng standardized at comprehensive screening tool upang masala ng mabuti kung sino ang karapat-dapat na mabakunahan laban sa COVID-19.
Kinakailangan namang lumagda ng consent form ang pasyente bago bakunahan. Aabutin lang umano ng tatlo hanggang limang minuto ang proseso nito.
Sa ikatlong step naman ay dito na babakunahan ang isang indibidwal. Ihahanda ng pharmacists ang vials bago ito ibigay sa mga vaccinators na magpa-facilitate ng pagbabakuna.
At sa ikahuling step ay imomonitor ang recipient sa loob ng 30 minuto hanggang isang oras upang makita kung may adverse effect ang bakuna.
Posible raw kasi na may maranasang mild side effects ang nabakunahan, tulad ng headache at pagkahilo na maaari namang gamutin kaagad ng paracetamol.
Tiniyak naman ng PGH sa publiko na susundin nito ang mga nararapat na hakbang at proseso para sa paghahanda ng vials base sa kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang dadating sa ospital.
Dagdag pa ni Rosario na umabot na ng halos 5,000 healthcare workers ang nagpa-rehistro sa vaccination program.
PGH ang magiging kauna-unahang ospital sa bansa na makatatanggap ng unang batch ng COVID-19 vaccines.