-- Advertisements --

Binawi ng Pfizer ang application nito sa India para sa emergency use authorization (EUA) ng dinevelop nitong COVID-19 vaccine kasama ang BioNTech ng Germany.

Ginawa umano ang desisyon na ito matapos ang pakikipagpulong ng Pfizer sa drug regulators ng India kahapon.

Base umano sa naging deliberasyon ng pagpupulong ay marami pa rin umanong hinihingi na karagdagang impormasyon ang drug regulator kung kaya’t napagdesisyunan nito na i-withdraw ang kanilang application.

Sa kabilang banda ay siniguro naman ng Pfizer na tuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan nito sa bansa sakali mang ire-submit nito ang dagdag impormasyon na kinakailangan ng India sa oras na maging available na ito sa hinaharap.

Naunang mag-apply ng authorization ang Pfizer sa India noong nakaraang taon ngunit noong Enero ay inaprubahan ng gobyerno ng nasabing bansa ang dalawang mas murang bakuna – una ay ang mula sa Oxford University/AstraZeneca, habang ang ikalawa naman ang bakuna na dinevelop ng Bharat Biotech.

Hindi naman tinanggap ng India’s Central Drugs Standard Control Organisation ang approval request ng Pfizer nang walang ginagawang maliit na local trial upang tiyakin na ligtas ang bakuna at immunogenicity sa mamamayan ng India.