Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang Petition for Certiorari and Prohibition na inihain ni Atty. Jesus Nicardo M. Falcis III kaugnay sa hirit ng mga ito na magkaroon ng same sex marriage sa bansa.
Layon ng petisyon ni Falcis na ipadeklarang unconstitutional ang Articles 1 at 2 ng Family Code, at bilang consequence ay ma-nullify ang Articles 46(4) at 55(6) ng Family Code.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, bagamat kinikilala raw nila ang nakasaad sa Konstitusyon na ang basehan ng marriage ay hindi lamang sa sex, gender, sexual orientation o gender identity o expression pero nilabag daw ng petisyon ni Falcis ang principle of hierarchy of courts.
Maliban dito bigo rin umano si Falcis na maglahad sa isinagawang oral argument noon ng actual at justiciable controversy.
Kinikilala rin umano ng kataas-taasang hukuman ang protracted history ng discrimination at marginalization na kinahaharap ng mga lesbian, gay, bisexual transgender, queer, intersex at iba pang gender at sexual minorities (LGBT) kabilang na dito ang patuloy na paghihirap ng mga ito sa equality.
Ang mga problema raw ng LGBT ay kinikilala ng SC pero sa ngayon ay ang Kongreso muna ang kailangang umaksiyon dito.