Ikinonsidera ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19 ang muling pagdinig sa petisyon ng pamahalaan na nagpapa-deklarang sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang terrorist organizations.

Kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na una ng ibinasura ng korte ang petisyon noong December 9 matapos mabigo ang kanilang panig na ihain sa mga respondents ang kopya ng pagpapatawag sa korte.

-- Advertisement --

Sa mosyong inihain ng prosekusyon, iginiit ng mga abogado na may mga insidenteng nagpaantala sa kanila na i-publish ang kaukulang dokumento.

Nitong February 7 nang aprubahan ng korte ang mosyon.

“Finding the grounds stated in the petitioner’s Motion for Reconsideration meritorious, and in the higher interest of justice and considering that the petitioner has satisfactorily shown before the Court its readiness to serve summons to respondents by publication, the same is hereby granted,” ani Judge Marlo Magdoza-Malagar.

Kung maaalala, inihain ng pamahalaan ang petisyon noong 2018 kasunod ng pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa peace talks sa mga rebelde.