-- Advertisements --

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon na inihain ng Sanofi Pasteur, Inc. na humahamon sa naging desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na ipawalang bisa ang certificate of product registration nito para sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine o bakuna kontra dengue.

Sa naging desisyon ng CA, matagal na umanong nagpaso ang CPR ng naturang pharmaceutical company noong Dsiyembre 22, 2020.

Base sa record ng kaso, noong Disyembre 29, 2017, sinuspinde ng Food and Drug Administration (FDA) ang CPR ng Sanofi sa loob ng isang taon na may multang P100,000 dahil sa hindi pagsumite ng mga dokumento ng post approval commitment. Noong Disyembre 21, 2018 naman binawi ng FDA ang mga CPR ng Sanofi.

Matatandaan na sa ilalim noon ng administrasyon ng yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III, nakakuha ang gobyerno ng P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccines na nakarehistro sa FDA noong 2015.

Taong 2016 naman ng simulamg ibakuna ito sa mga bata bilamg bahagi noon ng programa ng Department of Health.

Subalit pumutok ang kontrobersiya sa naturang bakuna nang maglabas ang Sanofi ng advisory kung saan sa naging clinical analysis sa Dengvaxia nakita na ang bakuna ay epektibo para sa mga taong dinapuan ng dengue bago ang pagbabakuna, subalit binanggit din nito ang isang panganib ng severe case ng dengue para sa mga indibidwal na hindi pa nagkaroon ng dengue.

Dahil dito, isinampa ang mga kasong kriminal laban sa mga dating opisyal ng DOH kaugnay sa pagkamatay at pinsalang idinulot sa paggamit umano ng Dengvaxia vaccines.