-- Advertisements --
petition 0

Isang petisyon nanaman ang inihain sa Korte Suprema na humihiling sa kataas-taasang hukuman na kanselahin ang kandidatura ni Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Hirit ng grupong naghain ng naturang petisyon na maglabas ng temporary restraining order (TRO) upang ipatigil ang nagpapatuloy ng bilangan ng mga boto kay Marcos at gayundin ang proklamasyon ng kanyang napipintong pagkapanalo.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay sina Father Christian Buenafe, Fades Lim, Ma. Edeliza Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland VIbal, at Josephine Lascano.

Katwiran ng mga petitioners, ang halalan ay higit pa sa isang number game at ang kagustuhan anila ng mga tao tulad ng naging resulta ng halalan ngayong taon ay hindi kayang gamutin ang pagiging hindi karapat-dapat ng isang kandidatong mauupo sa pwesto para pamunuan ang bansa

Samantala, sakaling mapagbigyan ng korte ang naturang petisyon pagkatapos pa ng proklamasyon ay ipinaliwanag naman ni Comelec acting spokesperson John Rex Laudiangco na hindi na ito sakop pa ng Commission on Elections (Comelec) dahil nasa ilalim na raw ito ng hurisdiksyon ng partikular na electoral tribunal upang mapagdesisyunan ang mga susunod na hakbang para sa nasabing kaso.

Magugunita na una rito ay ibinasura na rin ng Comelec en banc ang tatlong disqualification case at isang petisyon para sa kanselasyon ng certificate of candidacy ni Marcos dahil sa bigo umanong maglahad ng mga bagong argumento ang mga petitioners para kumbinsihin ang poll body na baliktarin ang naunang desisyon laban pa rin sa petisyon ni Presumptive president Bongbong Marcos.