-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Umakyat pa sa 10 ang naitalang pertussis cases na tumama na sa limang probinsya ng Northern Mindanao region.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Jasper Kent Ola, RN na pinuno ng DoH -10’s Regional Epidemiology Surveillance and Disaster Response Unit (RESDRU) na humabol ng tig-isang kaso ang syudad ng Iligan,Camiguin,Misamis Occidental at Lanao del Norte kaya sa 10 biktima ay tatlo sa kanila ang laboratory confirmed ng sakit.

Sinabi ni Ola na nag-positibong mga biktima na dalawa mula sa Cagayan de Oro at isa sa Misamis Oriental ay kapwa hindi nabigyang bakuna kaya madaling nadapuan ng bakterya.

Sa kabila nito,hindi naman naalarma ang ahensiya sapagkat maliban sa kalat-kalat ang pagtama ng kaso ay kaya labanan ng bakuna ang pertussis dahil dekada 50 pa itong nilalabanan ng Pilipinas simula pagka-diskobre taong 1900.

Kaugnay nito,hinikayat ng DoH ang publiko lalo na ang mga ina na mayroong anak na isang taong gulang pa lang pababa na pumunta na sa health centers upang magpabakuna at tuluyang mapuksa ang pagkalat ng pertussis.