-- Advertisements --

Blangko pa sa ngayon ang pulisya sa Zamboanga sa kung ano ang motibo sa nangyaring pagsabog kagabi sa isang mosque sa Logoy Diutay, Barangay Talon Talon, Zamboanga City kung saan dalawa patay habang anim ang sugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PRO-9 regional police director C/Supt. Emmanuel Licup, ongoing na ang kanilang imbestigasyon sa ngayon para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsabog.

Ayon kay Licup, maaring personal ang motibo o nakikisakay lamang sa isyu sa pagsabog sa Jolo ang mga suspeks.

Pinasinungalingan naman ni Licup na may kaugnayan sa napatay na miyembro ng urban terrorist group sa barangay Sto. Nino sa Zamboanga noong Lunes ng gabi kung saan may nasabat na mga materyales sa paggawa ng improvised explosive device.

“Still investigating. We cannot speculate on the motive as of yet. Maaring personal and suspects riding on the Jolo incident,” ani C/Supt. Licup.

Iniimbestigahan na rin kung bakit nakalusot ang mga suspek kahit kaliwat kanan na ang mga itinalagang checkpoints sa lungsod.

Siniguro naman ng heneral na mananagot ang mga suspek.

Una rito, dead on arrival sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC) sina Habil Rex, 46,  habang si Bato Sattal, 47, ay ideniklarang patay bandang ala-1:31 kaninang madaling araw.

Kasalukuyang sumasailalim sa medical treatment sa nasabing hospital sina Yasson Asgali, 46, M; Paulo Slahuddin, 41, M; Albani Jikilani, 67, M. at Amidz Kassara, 30, M.