CAUAYAN CITY – Kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng mga kasapi ng Alfonso Lista ang person of interest sa naganap na pananambang ng mag-asawang negosyante na ikinamatay ng isa sa Ifugao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PStaff Sgt. Bobby Bumanghat, tagasiyasat ng Alsonfo Lista Police Station na ang mag-asawang Orlando at Michelle Dumlao ay tinambangan ng dalawang suspek habang patungo sa Alfonso Lista, Ifugao.
Namatay sa nasabing pananambang si Orlando Dumlao.
Ang mag-asawang Dumlao ay mayroong negosyong palay buying at nagpapautang.
Ayon kay Staff Sgt. Bumanghat, kasalukuyan na nilang pinag-aaralan ang naging salaysay ni Ginang Michelle Dumlao na nagconvoy sila ng sasakyan ng nasabing person of interest patungong bayan ng Alfonso Lista na mariing itinatanggi ng suspek.
Ang person of interest ay mayroong utang na P6 milyon at kaibigan ng mag-asawang biktima.
Nakaligtas sa pananambang ang ginang at hindi tinuluyan ng isa sa mga suspek dahil eksaktong mayroong dumaan na sasakyan ng isang punerarya na kanilang ikinataranta at agad tumakas.
Dinala sa pagamutan ng mga sakay ng dumaang sasakyan si Ginang Michelle Dumlao dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa balikat.
Ayon kay Ginang Dumlao, unang beses pa lamang nilang magtungong mag-asawa sa Alfonso Lista, Ifugao kaya’t naging convoy nila ang sasakyan ng kaibigan nilang person of interest.
Sa ngayon ay anggulong utang ng person of interest ang sinisiyasat ng pulisya.