Nabawasan ng mahigit P10 bilyon ang pensiyon para sa mga retiradong militar at unipormadong tauhan gayundin sa mga manggagawa sa gobyerno ngayong 2024 dahil sa napakalaking alokasyon para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP)
Ito ang iginiit ni Senadora Imee Marcos.
Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act, ang Pension and Gratuity Fund na may alokasyong P253 billion sa National Expenditure Program ay bumaba sa P143 billion.
Tinapyasan naman ng P5.4 billion ang budget ng Department of Migrant Workers mula sa P15.31 billion habang inalis naman ng buo ang nakaprogramang pondo para sa mga foreign-assisted flagship projects ng Department of Public Works and Highways.
Nauna nang iniugnay ni Marcos ang AKAP sa signature campaign para sa people’s initiative (PI) upang amyendahan ang 1987 Constitution.
Naniniwala si Marcos na ang AKAP ay kabilang sa mga government aid programs na ginamit upang akitin ang mga Pilipino na lumagda sa petisyon ng PI para sa Charter change na Itinuturing niya na ang PI bilang “peke.”
Iginiit pa ni Marcos na hindi si Pangulong Bongbong Marcos ang nagpasimula ng programa at wala rin ito sa parehong bersyon ng Senado at Kamara pero sa pinal na printed version ng pambansang pondo ay naroroon na ang AKAP na may alokasyon na P26.7 billion.
Bukod dito, mayroon pang mahigit P33 billion na unprogrammed funds ang isiningit dito ng Kamara at pagkatapos ay idinagdag ang mga e-signature ng mga senador.
Aniya, labu-labong P60 billion na ang inilaan sa AKAP at hindi naman malaman kung para sa bigas, trabaho o ayuda ang nasabing pondo.