Nababahala si Sen. Imee Marcos na posibleng mawala sa kustodiya ng Pilipinas ang homicide convict na si U.S. Marine Corps Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, kung tuluyan nang kakanselahin ng gobyerno ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Ang VFA ay nagbibigay sa Pilipinas ng legal na hurisdiksyon sa mga sundalong Amerikano na nakakagawa ng mga krimen o lumalabag sa batas ng ating bansa.

“Baka matuwa pa nga ang U.S. pag nawala na ang VFA kasi pwede pa rin naman pumasok ang mga tropang Amerikano sa bansa natin dahil sa Mutual Defense Treaty at EDCA, pero wala nang hawak ang Pilipinas sa mga kasong kriminal kung mangyari man,” ani Marcos.

“Kung walang VFA, babalik tayo sa international law at batas ng bansa kung saan galing ang mga tropang dayuhan ang mangingibabaw,” sabi pa ni Marcos.

Dagdag pa ni Marcos na maaring hingin ng Amerika na mapalaya si Pemberton bago pa nito matapos ang minimum sentence na ipinataw sa kanya kapag tuluyang ibasura ng gobyerno ang VFA bago pa ang nakatakda nitong pagtatapos sa Disyembre 2021.

-- Advertisement --

Noong Disyembre 1, 2015, hinatulan si Pemberton na mabilanggo ng anim hanggang 12 taon dahil sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude sa loob ng isang motel noong 2014.

“Baka makaswerte pa ulit si Pemberton. Wala na nga siya sa ordinaryong kulungan, baka umiksi pa ang kanyang sentensya. Dagdag sakit ito para sa pamilya ni Jennifer,” sambit pa ni Marcos.

Si Pemberton ay nakabilanggo sa Camp Aguinaldo sa ilalim ng kustodiya ng Philippine at American military personnel habang nakaapela ang hatol sa kanya gamit ang basehang idinepensa lang niya ang kanyang sarili.

Iginiit ni Marcos na sa halip na VFA ang kanselahin, ang EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement ang dapat ibasura ng gobyerno. Ito’y dahil pinapayagan nito ang U.S. military na balewalain ang Philippine Constitution na nagbabawal sa ibang bansa na makapagpatayo ng kanilang base militar dito.

Paliwanag ni Marcos, nagiging potensyal na target ang bansa ng mga kalaban ng Estados Unidos lalo na sa pagtindi ng tensyon sa Middle East at South China Sea dahil pinapayagan nito ang pananatili sa bansa ng mga tropang Amerikano at kanilang mga armas pandigma.