-- Advertisements --
Screenshot 2020 07 04 13 35 59

CAUAYAN CITY – Inihahanda na ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang kasong paglabag sa Republic Act 9484 (Phil. Dental Act of 2007) laban sa isang pekeng dentista.

Una rito, inaresto ng mga kasapi ng NBI Isabela ang isang lalaking nagpapanggap na dentista sa ikinasang entrapment operation sa San Roque, Delfin Albano, Isabela.

Ang suspek ay si Gerry Bumanglag, 51-anyos na residente ng nabanggit na lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Timotheo Rejano ng NBI Isabela, kanyang sinabi na na nag-ugat ang kanilang operasyon sa reklamo ng isang ginang na namaga ang ngipin at dinala sa pagamutan ang kanyang anak matapos na magpabunot ng ngipin kay Bumanglag.

Sinabi pa ng Provincial Director na sa tulong ng Philippine Dental Association at Professional Regulation Commission (PRC) Region 2 ay nakumpirmang peke o nagpapanggap na dentista ang pinaghihinalaan.

Kaagad nagsagawa ng entrapment operation ang NBI at naaktuhan ang suspek kasama ang kanyang misis sa kanilang klinika na magsasagawa ng isang dental procedure sa isang nagpanggap na pasyente na ahente ng NBI.

Narekober sa klinika ng pekeng dentista ang iba’t ibang klase ng dental at surgical instrument, dental materials, dental chair at machine at logbook para sa kanilang mga pasyente.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, matagal nang nagpapanggap na dentista ang pinaghihinalaan at marami na rin ang kanyang naging pasyente.

Dinala ang pinaghihinalaan sa tanggapan ng NBI Isabela.

Samantala, sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang pinaghihinalaan ngunit hindi na nagbigay ng anumang pahayag.