Nasamsam ng mga pulis sa France ang nasa 17,000 pekeng COVID-19 testing kits na kanilang nadiskubre sa isang raid laban sa mga pinagbabawal na pagkain at inumin sa iba’t ibang sulok ng nasabing bansa.
Ayon sa Interpol, nakumpiska nila ang $40 million (P2 billion) na halaga ng mga peke o substandard na produkto mula sa 77 bansa at naaresto ang 407 katao sa naturang operasyon na sinimulan noong Disyembre 2019 hanggang Hunyo 2020.
Kasama sa mga narekober na produkto ay contaminated dairy products, karne mula sa mga iligal na slaughter houses at food products na nilagyan lamang ng medicinal labels.
Nasamsam din ng mga otoridad ang libo-libong pekeng medical products kasabay ng pagkukumahog ng mga bansa na siguraduhing sapat ang kanilang mga suplay bago sumailalim sa lockdown sanhi ng coronavirus pandemic.
“As countries around the world continue their efforts to contain COVID-19, the criminal networks distributing these potentially dangerous products show only their determination to make a profit,” saad ni Interpol Secretary-General Jurgen Stock sa isang pahayag.
Bukod pa sa mga pekeng COVID-19 tests, nabatid din sa naturang raid ang mga disinfectants at maging ang shipment ng mga seafood mula South Africa na idineklara bilang personal protective equipment (PPE).
“Other illicit products recovered included cosmetics, footwear, clothing, handbags, car parts, electronics, tobacco, and medicines, worth an estimated $3.1 million,” wika pa ng Interpol.