-- Advertisements --

Ipagpapatuloy na ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para mawaksan ang ilang dekada ng insurhensiya sa bansa.

Ito ay kasunod na rin ng kasunduan sa pagitan ng dalawang panig noong Nobiyembre 23 para sa mapayapang paglutas ng armadong tunggalian.

Bago ang pagpapatuloy ng pormal na peace talks, sinabi ni NDFP negotiating panel interim chair Julieta De Lima na isusulong ng kanilang kampo ang mga isyu gaya ng partisipasyon ng nakakulong na NDFP consultants sa negosasyon, immunity para sa NDFP members na makikilahok sa peace talks, pagpapalaya sa lahat ng political prisoners at pagpapawalang bisa sa pagtatalaga sa NDFP bilang terorista.

Sa panig naman ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. nilinaw niyang hindi ito resumptionkundi oanibagong peace talks.

Sa ngayon, under discussion pa aniya ang timeline ng muling pagsisimula ng peace talks subalit posibleng simulan ito bago ang unang quarter o sa kalagitnaan ng unang quarter sa susunod na taon.

Una rito, simula 1986, nagsagawa na ng peace talks ang mga administrasyon sa mga komunistang grupo sa pamamagitan ng kanilang political arm na NDF na nakabase sa Netherlands.

Noong nanalo si dating Pang. Rodrigo Duterte noong 2016 election, nagpahayag ito ng pagiging bukas para sa peace talks subalit kalaunan ay pinutol ang dayalogo sa mga komunistang grupo noong 2017 at idineklarang teroristang organisasyon at inakusahan ang mga itong pumapatay ng mga pulis at sundalo ng pamahalaan habang nagpapatuloy noon ang negosasyon.

Nitong nakalipas na taon, inihayag din ng pamahalaan na daan-daang komunistang rebelde na ang sumuko kapalit ng tulong pinansiyal at kabuhayan mula sa gobyerno.

Sa pinakabagong development, noong nakalipas na linggo lamang nag-isyu ng mga proklamasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naggagarantiya ng amnestiya sa mga dating rebelde.