-- Advertisements --

PDP-Laban, nanawagan na wag idamay ang partido kaugnay sa pagbitaw ng salita ni dating pangulong Rodrigo Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa umano’y isyu ng drug abuse

Nakikiusap ngayon si Partido Demokratiko Pilipino (PDP) president at Palawan Representative Jose Chaves Alvarez na huwag ng idamay pa ang partido sa isyu ng pagbitaw ng mga pahayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng umano’y drug abuse.

Ginawa ni Alvarez ang pahayag sa isinagawang presscon kahapon nitong lungsod ng Cebu kasabay ng ika-42 anibersaryo ng partido.

Sinabi pa ni Alvarez na bilang isang dating presidente, maaari umanong sabihin ng kanilang party chairman na si Duterte ang anumang gusto nito.

Paglilinaw pa ng mambabatas na nangunguna sila sa pagsulong ng kapayapaan at kaunlaran ng bayan at kung ano mang isyu na nauugnay sa miyembro o opisyal ng partido ay wag nang idamay pa ang buong partido.

Tiniyak naman nito na patuloy ang kanilang pagpapaabot ng pagsuporta para sa ikauunlad ng bansa.

Binigyang-diin naman ni Alvarez na ang pangunahing layunin ng kanilang pagtitipon ay upang magsama-sama ang Partido Demokratiko Pilipino at hindi upang idawit ito sa mga national issues.