Mariing pinabulaanan ni PNPDrug Enforcement Group director PBGEN Narciso Domingo na nagkaroon ng sabwatan o tangkang pagtakpan ang itinuturing ngayon na biggest drug haul kung saan nasabat ang aabot sa 990 kilo na shabu mula sa pangangalaga ni PMSG Rodolfo Mayo Jr. na isa rin mismo sa kaniyang mga tauhan.
Ito ang matapang na ipinahayag ni Domingo matapos makaladkad ang kaniyang pangalan sa mga umano’y matataas na police officials na sangkot sa nasabing krimen na pawang pinangalangan ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr.
Kaugnay nito ay nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Domingo dahil hindi aniya patas na pagdudahan silang kasabwat ng kanilang mga nahuling suspect sa kadahilanang ginawa lamang naman daw nila ang kanilang mandatong labanan ang kalakaran ng ilegal na droga sa bansa at sa katunayan pa raw nito ay kung hindi dahil sa kanila ay hindi aniya maaaresto si Mayo at hindi rin magaganap ang pinakamalaking huli ng ilegal na droga sa kasaysayan ng PNP.
Sa kaparehong pahayag ay inamin ng heneral na nagkaroon din mga lapses sa kanilang panig hinggil sa naturang operasyon ngunit nilinaw niya na malinis ang kanilang konsensya at walang tangkang pagtatakip ang nangyari dito dahil lahat aniya ng kanilang report at ebidensyang nakalap ay agad nilang iniulat kay PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr.
Gayunpaman ay sinabi rin ni Domingo na handa siyang tumalima sa panawagan ni Abalos na boluntaryong paghahain ng kanilang leave of absence bilang pagbibigay daan sa ikakasang malalimang imbestigasyon ng National Police Commission ukol sa nasabing usapin.
Kung maaalala, bukod kay Domingo ay mayroon pang 10 mga opisyal ng PNP ang pinangalanan din ni Abalos na dawit sa 990 kilo drug raid kabilang na ang dating top 3 cop ng PNP na si dating Deputy Chief for Operations PLTGEN Benjamin Santos Jr.