Nanawagan si Surigao del Norte Cong. Robert Ace Barbers kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles na magbitiw sa pwesto sa gitna ng kontrobersiya sa edited na larawan ng nanalo sa Philippine Lotto.
Saad ng Kongresista na ang public office ay isang public trust at kapag nawalan na ng tiwala ang mga tao, delicadeza na aniya na magbitiw.
Kinuwestyon pa ng mambabatas pagsasapubliko ng larawan ng nanalo sa lotto.
Sinabi din nito na bagamat wala namang nagsasabi, posibleng nais lamang ng PCSO general manager na mapatahimik ang umano’y mga agam-agam na hindi talaga napanalunan ang ilang draws at ang mga inilathalang nanalo ay gawa-gawa lamang na kinailangang gamitan ang artificial intelligence technology.
Una rito, nag-ugat ng agam-agam sa publiko kung totoo nga bang tao o hindi ang nanalo ng P43 million Lotto jackpot na inanunsiyo ng PCSO.
Ito ay matapos na maglabas ang government-owned corporation ng edited na larawan ng nanalo sa lotto habang tumatanggap ng kaniyang napanalunang pera para umano maitago ang pagkakakilanlan nito para na rin sa kaniyang seguridad.