ocd10

LEGAZPI CITY – Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Taal ang isang 65-anyos na ina at 40-anyos na anak nito sa Barangay Anak Dagat, Lemery, Batangas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCG Task Force Taal head Commodore Artemio Abu, mismong ang mga kamag-anak ang nagpaabot sa tanggapan na naiwan ang mag-ina sa 14-kilometer danger zone ng bulkang Taal.

Nabatid pang hinahatiran lamang ang mga ito ng pagkain ng mga kamag-anak.

Salaysay pa ng opisyal, bayolente ang lalaking maysakit sa pag-iisip at nagpumiglas kaya’t pahirapan ang naging pag-rescue.

Sa kabila nito, matagumpay itong nadala sa pinakamalapit na psychiatric hospital habang binigyan naman ng medical assistance ang ina.

Sa muli, iginiit ni Abu na hindi na maaaring pumasok sa Taal volcano island habang hangad na maintindihan ng mga residente ang laki ng peligrong nakaamba sa mga rescuers sa pagmamatigas na lumikas ng ilan.

Samantala, nagsagawa naman ng aerial inspection ang grupo kahapon upang masuri ang lagay ng marami pang mga hayop na nananatili sa Taal volcano island subalit pahirapang ma-rescue dahil sa mga aktibidad ng bulkan.