-- Advertisements --

Mas pinatindi ng Chinese Coast Guard (CCG)ang tensyon sa West Philippine Sea matapos itong gumamit ng mas mataas na PSI o malakas na pressure ng tubig sa kanilang water cannon para pigilang makalapit ang Philippine vessels sa Panatag Shoal, sa West Philippine Sea. 

Hindi lang isa kundi 9 na Chinese Maritime forces ang namataan sa West Philippine Sea, at 4 dito ang direktang umatake para pigilan ang Humanitarian mission ng BRP Datu Bankaw at BRP Bagacay, namataan rin ang presensya ng Chinese People’s Liberation Army Navy. 

Ayon kay PCG Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, ito ang unang beses na tinutokan ng Chinese Coast Guard at direktang binomba ng kanilang water cannon ang Philippine Coast Guard vessel (PCG).

Alas-nuwebe ng umaga kahapon, Abril 30, nang pagitnaan at bombahin ng dalawang CCG gamit ang kanilang water cannon ang BRP Bagacay ng PCG. 

Ani Tarriela, sa lakas ng pressure ng tubig na ginamit ng China ay nabaluktot nito ang metal railings ng BRP Bagacay at nawasak din ang communication antena ng BRP Bankaw ng Bureau of Fisheries ang Aquatic Resources (BFAR). 

Sa kabila ng mga pagharang at sampung beses na pag-atake ng CCG sa BRP Bankaw, nanatili at nagpatuloy pa rin ang Philippine Vessels sa paghahatid ng humanitarian mission.

Paulit-ulit pa rin umanong pupuntahan ng Coast Guard, ng BFAR, at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang West Philippine Sea ani Tarriela. 

Dagdag pa ni Tarriela, hindi pa nila kinokonsiderang armed attack ang mga pag-atake kahapon. 

Paliwanag ng opisyal, hindi ito gaganti laban sa China, pinayuhan umano sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na manatiling propesyonal at iwasang gumamit ng water cannon laban sa Chinese Coast Guard at patuloy na tutugonan ang mga pag-atake sa deplomatikong pamamaraan.