-- Advertisements --

Samu’t saring mga operational equipment ang natanggap ng Philippine Coast Guard mula sa German government sa ginanap na hand-over ceremony nito sa PCG National Headquarters, sa Port Area, Manila.

Sa pangunguna ni German Ambassador to the Philippines, Dr. Andreas Michael Pfaffernoshcke ay ipinagkaloob sa PCG ang iba’t-ibang mga unit ng printer, camera, underwater camera, projector, smart TV, desktop computer, at microphone na tinanggap naman nina PCG Deputy Commandant for Administration, CG Vice Admiral Allan Victor Dela VEga, at Chief of Coast Guard Staff, CG Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio.

Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng buong pusong pasasalamat ang PCG sa donasyon na ito ng nasabing bansa na bahagi ng nagpapatuloy na partnership at cooperation ng Pilipinas at Germany.

Ayon kay Rear Admiral Cornelio, ang mga ito ay makakatulong upang mas mapatibay pa ang kapabilidad ng kanilang hanay, lalo na sa pagtupad sa kanilang mandato na tiyakin ang seguridad sa maritime waters kasabay ng pagpapatupad ng maritime security.

Samantala, sa kabilang banda naman ay ipinangako rin ni German Ambassador Pfaffernoschke na magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng suporta sa PCG, at pagsusumikap nito na itaguyod ang international rule-based order, global peace, and security sa Indo-Pacific region.