Naglabas ng paalala ang pamunuan ng Philippine Coast Guard hinggil sa tamang water safety guidelines.
Ginawa ng ahensya ang paalala matapos na masawi ang isang binatilyong tumalon sa isang talampas kamakailan.
Kung maaalala, narekober ng PCG ang isang bangkay sa Magtangcob River, Barangay Paclolo, Magsaysay, Occidental Mindoro.
Ang biktima ay kinilalang si Ernesto Cardinas Jr 16 anyos, residente ng Barangay Bagong Sikat, San Jose, sa naturang lalawigan.
Batay sa imbestigasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Magsaysay, tumalon ang biktima sa isang talampas na may taas na 60 feet mula sa katubigan.
Ito ay sa kabila pa rin ng mga paalala at babala mula sa kasamahan nito.
Ayon sa mga saksi, matapos itong tumalon ay hindi na ito lumutang dahilan upang humingi na sila ng saklolo sa mga kinauukulan.
Matapos ang isinagawang underwater search ang mga tauhan ng Coast Guard Special Operations Unit – Occidental Mindoro, nakuha ang bangaky ng biktima.