Nagbabala ang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagdami pa ng pro-China trolls at influencers sa online.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paglalantad ng gobyerno ng Pilipinas sa mga iligal na aksiyon ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, gumagamit ang China ng iba’t ibang social media platforms at dumidipende sa kanilang trolls para magkaroon ng maling impormasyon ang mga Pilipino, mahati at hindi magkaisa laban sa China para ma-counter ang transparency strategy ng gobyerno ng PH partikular na ng NTF-WPS.
Naniniwala ang PCG official na nagiging epektibo ang inisyatibo ng gobyerno sa pagkakaisa sa mga mamamayang Pilipino at ma-counter ang tumataas na disinformation ng China sa WPS.
Sa pamamagitan kasi aniya ng transparency strategy ng pamahalaan, nagiging epektibo ang gobyerno sa pag-educate sa mga Pilipino at pagbabahagi ng tamang impormasyon sa international community.
Sa katunayan, base sa survey kamakailan, mahigit 70% ng mga Pilipino ang suportado ang ginagawang hakbang ni PBBM sa pag-expose ng mga agresibong aksiyon ng China sa WPS.
Una ng inanunsiyo ng gobyerno ng PH ang transparency initiative nito matapos tutukan ng military-grade laser ng China ang patrol vessel ng PH sa may Ayungin shoal noong Pebrero ng nakalipas na taon.
Ngayong ikalawang taon ng naturang inisyatibo, sinabi ni Tarriela na ipagpapatuloy ng NTF-WPS ang pag-expose sa aggression ng China sa pinagtatalunang karagatan.