Dalawang barko ng Philippine Coast Guard ang idineploy nito para lumahok sa limang araw na joint towing at water cannon exercises malapit sa katubigang sakop ng Lamao, Bataan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng PCG na dito ay ipinadala nila ang BRP Teresa Magbanua at BRP Malapascua upang makiisa sa naturang pagsasanay.
Dito ay ipinamalas ng naturang mga Multi-Role Response Vessels at kanilang sailing crew ang wastong paghawak ng mga emergecy towing gears, pagpili ng tamang towing line, at wastong paghagis ng mga tow lines.
Gayundin, ang mga protocol ng pagsubok at pagpapakita ng kakayahan sa pagtukoy ng mga banta sa dagat sa loob ng area of responsibilty kung saan ginanap ang naturang aktibidad.
Habang nagsilbi namang mga observers ang mga kinatawan na nagmula sa Japan Coast Guard – Mobile Cooperation.
Samantala, kasabay nito ay tiniyak ng PCG na isinaalang-alang nila ang kaligtasan ng mga sailing crew na alinsunod na rin sa International Safety and Management (ISM) Code at International Regulations for Preventing Collisions at Sea: Rules of the Road (1972).