Ganap nang tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang humigit-kumulang 800 pinakabagong Coast Guardians na miyembro ng Coast Guard Non-Officers’ Course (CGNOC) Class 94-2022 “Mabitalak.”
Si PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, mismo ang nanguna sa kanilang graduation ceremony sa PCG Regional Training Center-Misamis Oriental.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ng komandante na ang pagiging lingkod bayan ay naka-sentro sa pagbibigay ng serbisyo publiko, at hindi sa pagsasakatuparan ng pansariling interes.
Hinikayat din niya ang 757 miyembro ng Class 94-2022 “Mabitalak” na maging ehemplo ng mga kabataan upang mahikayat silang maglingkod sa bansa.
Nakibahagi rin sa naturang seremonya sila Coast Guard Education Training and Doctrine Commander, CG Rear Admiral Eustacio Nimrod Enriquez Jr; Coast Guard District Northern Mindanao Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla; at Coast Guard Non-Officers’ School Superintendent, CG Captain Jerome Cayabyab.