-- Advertisements --
pcg patrol

Isiniwalat ni New Masinloc Fisherman’s Association president Leonardo Cuaresma na hindi iniskortan ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda sa Scarborough shoal sa gitna ng presensiya ng mga barko ng China sa lugar.

Sinabi pa ni Cuaresma na sa tuwing pumupunta sila sa Scarborough show, naglo-log out lang sila sa tanggapan ng PCG sa may Masinloc station subalit sa katunayan aniya ay walang ume-escort sa kanila para mangisda sa lugar.

Sa katunayan rin aniya, noong kasagsagan ng tensiyon sa lugar noong 2016, sinabihan silang iiskortan ang mga mangingisda para malayang makapangisda sa Scarborough shoal subalit wala umanong nagi-escort sa kanila.

Ayon kay Cuaresma, nauna ng ipinaliwanag ng PCG na maaaring lumala lamang ang tensiyon sa mga barko ng China kapag mayroong presensiya ng Coast Guard personnel sa lugar.

Sinabi pa ni Cuaresma na noong Mayo pa sila huling nakapangisda sa Scarborough shoal o Bajo de Masinloc.

Ibinahagi pa nito na binubully at hinaharang sila ng Chinese vessels patungo sa scarborough shoal.

Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta si Cuaresma sa plano ng militar na sanayin ang mga mangingisda para maging parte ng reserve forces sa gitna na rin ng agresibong aksiyon ng China sa West PH Sea.