-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na mananatili ang presensiya ng kanilang barko sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS) partikular sa bahagi ng Sabina at Ayungin Shoal.

Hindi kasi paaawat ang China, muli na namang namataan ang kanilang barko sa pinag-aagawang teritoryo, matapos ang laser incident.

Ayon kay Philippine Coast Guard for West Philippine Sea Spokesperson Commodore Jay Tarriela magpapatuloy ang kanilang presensiya sa lugar sa kabila ng insidente na kanilang kinasangkutan laban sa China.

Inihayag ni Tarriela, matapos makatanggap ng ulat na may Chinese vessel sa naturang lugar agad silang nagsagawa ng Maritime Domain Awareness Flight at mula duon ay nakita nila ang presensiya ng nasa 26 Chinese martime militia sa lugar.

May apat na Chinese vessel din ang namataan sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Sinabi ni Tarriela na sa kabila ng paghain ng Pilipinas ng diplomatic protest patuloy ang aktibidad ng China sa nasabing rehiyon.

Binigyang-diin ng opisyal na patuloy nilang gawin ang kanilang mandato na protektahan ang soberenya ng bansa.