(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Inutos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr sa Philippine National Police na magsagawa ng isang ‘no- nonsense investigation’ patungkol sa improvised explosive device (IED) explosion na unang pinaniwalaan na tina-target si Misamis Occidental Governor Henry Oaminal.
Kabilang umano ito sa napag-usapan nila ni Marcos at Oaminal nang magkita sila ilang oras ang makalipas pagkatapos ang IED explosion na tumama sa kanyang dalawang car escorts habang dumaan sa kahabaan ng Clarin pauwi sa kanilang tahanan sa Ozamiz City noong nakaraang gabi.
Paglalahad ito ni Oaminal sa Bombo Radyo nang kumustahin kung ano na ang naging takbo ng imbestigasyon ng pulisya patungkol sa panibagong pagtatangka sa kanyang buhay gamit ang IED.
Tiniyak umano ng presidente na kailangang malutas agad ang nasabing kaso dahil walang puwang sa kasalukuyang administrasyon na basta-bastang aatakehin na lang ang incumbent elected government officials.
Bagamat hindi nasaktan ang gobernador at kanyang security escorts subalit nagpapatuloy pa ang isinagawa na imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari.