-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na hindi lamang agarang ayuda ang ibinibigay ng pamahalaan kundi pati suporta sa mental health ng mga estudyanteng naapektuhan ng malakas na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao, kabilang ang Sarangani at General Santos City.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtugon sa emosyonal at sikolohikal na epekto ng kalamidad sa mga mag-aaral, lalo na sa mga batang maaaring tahimik na dumaranas ng trauma dulot ng lindol.

Sinabi ng Pangulo na may mga programa ang Department of Health (DOH) upang matulungan ang mga estudyante na makayanan ang kanilang naranasan at makabangon mula sa emosyonal na epekto ng sakuna.

Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga guro at mga kawani ng paaralan na masusing bantayan ang mga estudyanteng maaaring nagpapakita ng mga palatandaan ng emosyonal na pagdurusa, dahil hindi lahat ng bata ay hayagang naipapahayag ang kanilang pinagdaraanan.

Upang higit pang mapalakas ang mga mekanismo ng suporta sa mga paaralan, sinabi ni Pangulong Marcos na sasailalim sa espesyal na pagsasanay ang mga guro upang matukoy at matulungan ang mga estudyanteng nakararanas ng trauma at matinding stress.