Panahon na para bigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan ngayon para labanan ang fake news lalo na sa mga social media platforms.
Ito ang layon ng isinagawang Media and Information Literacy Campaign sa pangunguna ng Presidential Communications Office.
Ayon kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., walang puwang ang fake news sa modern society kaya dapat lamang bigyan ng sapat na kaalaman.
Sinabi pa ng Pangulo dapat tutukan sa kampanya ang mga kabataan dahil sila ang babad sa internet at digital world.
Dapat mabigyan ng angkop na tools ang mga kabataan na siyang gagabay sa kanila sa pagtukoy kung ang isang impormasyon ay fake news, propaganda, ispekulasyon at ang tamang impormasyon.
Ayon sa chief executive dapat turuan ang mga kabataan na alamin ang source o pinagmulan ng impormasyon.
Dagdag pa ng Pangulo malaking hamon kasi ngayon ang malawak na coverage ng internet at lahat maaring magbigay ng kanilang opinyon, kaya dapat pakatutukan at mabantayan ito ng husto.
Apela naman ng Pangulo na magtulong tulong ang lahat para ipaglaban ang totoo.
Para labanan ang fake news, lumagda ng kasunduan ang Presidential Communications Office, kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Higher Education (CHED) at Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) para sa pagtutulungan ng nasabing kampanya.