-- Advertisements --

Pinuri ng mga mambabatas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa ipinamalas ng kanyang administrasyon na dedikasyon na mabawasan ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan sa bansa ng hindi dumadanak ang dugo.

Kinilala ni House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita Ignacia “Atty. Migs” Nograles ang administrasyong Marcos sa pagpapatupad nito ng batas nang hindi gumagamit ng extrajudicial methods o pamamaraan na labag sa batas.

Ganito rin ang ipinahayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.

Nauna rito, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang pagbaba ng bilang ng krimen sa unang taon ng kanyang administrasyon kumpara sa kaparehong panahon noong administrasyon Duterte.

Tinukoy ng Punong ehekutibo na nakamit ito ng hindi gumagamit ng legal shortcuts o hindi pagtalima sa rule of law.

Matatandaan na naging kontrobersyal ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa umano’y mga naganap na extrajudicial killings sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Sabi ni Garin na bagamat maganda ang intensyon ng dating Pangulo ay nakasama sa imahe ng Pilipinas ang larawan ng mga menor de edad na walang habas na pinaslang.

Dahil anya sa madugong laban kontra iligal na droga at kriminalidad ay marami ang nakatakas mula sa pananagutan ng batas at muntik pang mapahamak ang turismo ng bansa.

Tinukoy naman ni Lanao del Norte 2nd District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo na nakatulong ang pagiging dating gobernador ng Ilocos Norte ng Pangulong Marcos sa pagpapababa ng krimen.

Tinuran din ni Dimaporo ang pagkilala ng Pangulo sa international standards ng pagpapatupad sa batas at pagkilala sa karapatan ng mga Pilipino na isang magandang ehemplo sa global community.

Binigyang halaga naman ni Negros Occidental 3rd District Rep. Francisco “Kiko” Benitez ang pagbalanse ng Pangulo sa pagpapalakas ng institusyong pang demokrasya habang iginagalang ang karapatang pantao at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Batay sa datos, nakapagtala ng malaking pagbaba sa napaulat na mga krimen unang taon ng administrasyong Marcos noong 2023 na nasa 198,617 na malayo sa 295,382 krimen noong 2017, ang unang buong taon ng administrasyong Duterte.