Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pulis na hindi kukunsintihin ng pamahalaan ang anumang gawain na dumudungis sa reputasyon ng pambansang pulisya.
Ginawa ng Pangulo ang naturang pahayag sa kaniyang maikling talumpati kasabay ng oath-taking ng newly promoted star rank officers ng Philippine National Police.
Dito, binigyang diin ng Pangulo ang zero-tolerance policy ng kaniyang administrasyon sa korupsiyon at pag-abuso sa karapatang pantao sa hanay ng pambansang pulisya.
Sinabi din ng Punong ehekutibo na inaasahang ang mga miyembro ng police force ay laging tatalima sa pinakamataas na standards at prinsipyo upang matiyak na protektado ang publiko mula sa panganib.
Hinikayat din ng Pangulo ang kapulisan na maging ahente ng positibong pagbabago na ninanais na makamit sa ating bansa.
Nasa kabuuang 57 mga opisyal na binubuo ng apat na Police Lieutenant generals, 10 Police Major Generals at 43 Police Brigadier geenrals ang na-promote ng ranggo sa isinagawang seremoniya.
Matatandaan, noong Hunyo iniulat ng PNP na nasa 2,500 pulis ang sinuspendi o sinibak sa serbisyo mula ng magsimula ang 2023 dahil sa paglabag sa batas at mga polisiya.