-- Advertisements --
PBBMtel

Nagpahayag ng pagkabahala si House Assistant Minority leader Arlene Brosas sa “Great Resignation trend” o malaking bilang ng nagbibitiw sa Pilipinas.

Kaugnay nito, hinimok ng mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumawa ng mga hakbang sa pagtugon dito at i-certify bilang urgent ang panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang Great Resignation ay isang phenomenon na naobserbahan sa buong mundo matapos ang pagtama ng COVID-19 pandemic noong 2021 at may malaking epekto sa iba’t ibang indistriya sa bansa.

Kasama aniya sa naobserbahan ay ang pwersang pag-alis sa trabaho ng mga empleyado dahil sa mababang pasahod na lumala dahil sa pagsipa ng inflation, hindi kontento sa trabaho, kawalan ng promosyon sa trabaho at benepisyo gayundin ang mga polisiya ng mga employer na hindi prinaprayoridad ang well-being o kapakanan ng kanilang empleyado.

Ibinahagi din ni Rep. Brosas ang lumabas na pag-aaral na isinagawa ng United Kingdom-based recruitment company na Pagegroup kung saan napag-alaman na 83% ng mga Filipino respondents ay plinanong mag-resign noong 2022, nagpapakita ito ng kanilang pagnanais para sa pagbabago at progreso tungo sa pagprayoridad sa kanilang personal well-being.