-- Advertisements --

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga tinaguriang “Presidential Scholars” na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at gamitin nang maayos ang tulong-pinansyal mula sa pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, bahagi ito ng programang nagbibigay ng tig-P200,000 sa bawat barangay kung saan kalahati ng halaga ay inilaan para sa limang estudyanteng nangangailangan ng suporta upang makapagtapos ng pag-aaral. Bawat iskolar ay makatatanggap ng P20,000 educational assistance.

Binigyang-diin ni Marcos na prayoridad ng administrasyon ang edukasyon dahil ito ay karapatan ng bawat kabataan. Aniya, malaking tulong ang programa dahil mahigit 200,000 estudyante sa buong bansa ang maaaring makinabang dito.

Pinangunahan din ng Pangulo ang programang “Bawat Bayan Makikinabang: Obando, Bulacan” sa Obando Central School bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na mailapit ang serbisyo publiko sa mamamayan.

Nakipagpulong siya sa 55 Bagong Pilipinas Barangay Scholars na benepisyaryo ng Socio-Civic Projects Fund o SCPF at nasaksihan ang pamamahagi ng bigas sa mga benepisyaryo ng Local Government Support Fund o LGSF.

Isa sa mga tampok ng programa ang turnover ng P2.2 milyong financial assistance mula sa SCPF para sa mga barangay ng Obando bilang suporta sa mga komunidad at pamilyang Pilipino.

Samantala, muling tiniyak ng Pangulo ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pang-edukasyon at ayuda upang mas marami pang Pilipino ang makinabang sa serbisyo ng pamahalaan.