Hinamon ng health reform advocate si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itaas ang Covid-19 booster rate ng bansa sa hindi bababa sa 70 milyon sa loob ng unang 100 araw ng kanyang administrasyon.
Ayon kay health reform advocate and former special adviser of the National Task Force (NTF) against Covid-19 Dr. Anthony “Tony” Leachon , ito ay magbibigay daan sa unti-unting muling pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, ito ay napatunayan na sa mga bansang kinabibilangan ng Singapore, South Korea, Taiwan, Malaysia, at Thailand.
Idinagdag pa rito na kapag mataas ang booster rate ng bansa, ito ay kahalintulad ng pagbubukas ng ekonomiya at ito din ay isang senyales na ‘yung face mask ay magiging optional na.
Upang maisakatuparan ang planong ito, muling iginiit ni Leachon na dapat nang magtalaga si Marcos ng isang kalihim ng kalusugan.
Sa ngayon, hindi pa nag-aanunsyo si Marcos ng officer-in-charge na hahalili kay outgoing Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Hinimok ng eksperto ang Pangulo na atasan ang lahat ng miyembro ng gabinete gayundin ang buong lipunan na taasan ang booster rate ng bansa sa hindi bababa sa 70 porsiyento.
Sa datos ng DOH, nasa 15,017,716 na lamang ang mga Pilipino ang napalakas laban sa sakit as of July 1.