-- Advertisements --

Ayaw magtakda ng deadline si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na inatasang imbestigahan ang hoarding, price fixing sa sibuyas at smuggling ng mga agricultural products sa bansa.

Sa isang panayam kay Pang. Marcos sinabi nito, nais niya ang isang hinog na imbestigasyon at hindi minadali dahil nais nitong mapanagot ang mga indibidwal na nasa likod ng nasabing iligal na aktibidad.

Ang direktiba ng Pangulo ay bunsod sa isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food sa pamumuno ni Quezon Representative Mark Enverga at ang vice Chairman nito na si Marikina Representative Stella Luz Quimbo.

Batay sa report ng komite, napatunayang mayruong kartel ng sibuyas ang nag-ooperate at tinukoy dito si Lilia Reyes na tinaguriang Sibuyas Queen.

” Ngunit ang utos ko sa DOJ at saka sa NBI, ika ko sa kanila ay kailangan malaman ninyo na hindi lamang sa sibuyas kung hindi pa ‘yung mga sindikato – marami talagang sindikato eh na nag-o-operate pa para habulin na natin, matigil ‘yung kanilang ginagawa. At sa aking pananaw at sa palagay ko ‘yung mga abogado natin ay sasang-ayon naman siguro sa akin – ang sa aking pananaw, ‘yung kanilang ginagawa amounts to economic sabotage. Kaya’t ‘yun ang aming – ‘yun ang aming direksyon dito sa pag-imbestiga na ito,” Pahayag ng Pang. Marcos.

Ipinunto ng Pang. Marcos, dahil sa mga pananabotahe ng mga nasabing sindikato o kartel maraming mga kababayan natin ang nagugutom at naghihirap.

Sabi ng Pangulo panahon na para managot ang mga ito sa batas.