CAUAYAN CITY- Kabuuang 32 Person Under investigation o PUI’s ang patuloy na minomonitor ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City habang may kabuoang 20 PUI’s na ang nakalabas na sa pagamutan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glen Matthew Baggao, Chief of Hospital ng CVMC, sinabi niya na ang nasabing mga PUI’s ay dalawa ang mula sa Isabela habang ang 30 PUIs ay mula sa Lalawigan ng Cagayan.
Nasa maaayos ng kondisyon ang Patient 275 na naging kauna-unahang kaso ng COVID 19 sa region 2 na nauna nang na-admit sa pribadong pagamutan matapos na mag-reklamo ng hirap sa paghinga, pananakit ng lalamunan o sore throat at may lagnat.
Nasa maayos na si patient 275 at wala nang iba pang iniinda sa kanyang katawan gayunman ay binabantayan pa rin ng mga doktor dahil sa maliban sa COVID 19 positive ay mayroon din siyang sakit sa puso at diabetic
.
Nanatili ring nasa maaayos na kalagayan ang isa pang PUI’s na naunang naipabalitang nasa critical na condition habang ang isa pang PUI’s ay nasawi na matapos na atakehin sa puso.
Kinumpirma naman ng CVMC na ang nasawing PUI ay negatibo sa COVID 19.
Kasalukuyan na ring sumasailalim sa 21 days home quarantine ang iba pang PUI’s na nakasalamuha ni Patient 275 gayunman strikto itong sinusubaybayan ng DOH at Municipal Health Office.