CAUAYAN CITY – Umakyat na sa anim ang nasawi sa pagbangga noong hapon ng Sabado ng isang trailer truck sa motorsiklo at tricycle sa Balug, Tumauini, Isabela matapos sumakabilang buhay ang isang malubhang nasugatan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Jessie Alonzo, Deputy Chief Of Police ng Tumauini Police Station na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang driver ng trailer truck na si Oliver Zamora, binata at residente ng Purok Daisy, Caloocan, Alicia, Isabela matapos magpositibo sa alcoholic breath test na pinatotohanan ng kanyang attending physician.
Lumabas din sa kanilang pagsisiyasat na umagaw ng linya ang tsuper ng trailer truck sanhi para mabangga nito ang motorsiklo at tricycle.
Bilang resulta ay nasawi ang tsuper ng motorsiklo na si Kuldip Singh, binata at residente ng District III, Tumauini, Isabela.
Namatay din ang tsuper ng tricycle na si Arnel Menor, 37-anyos, may-asawa at residente ng Mallig, Isabela maging ang kanyang misis na si Diana Rose Menor at ang kanilang anak na anim na buwang sanggol na si Diane Rose Menor na pawang residente ng Mallig, Isabela.
Nasawi rin ang isa pang pasahero ng tricycle na sina Ernesto Caronan, na residente ng Bliss Village, lunsod ng Ilagan.
Ang isa pang pasahero ng tricycle na si Elma Caronan ay nagtamo ng serious physical injury na dinala sa Cagayan Valley Medical Center sa Lunsod ng Tuguegarao ngunit binawian na rin ng buhay.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga sa mga biktima at sa mga barikada ng daan ay tumilapon ang trailer truck sa mga pananim na mais na malapit ng anihin.
Ang tsuper ng ISUZU Trailer Truck na si Zamora, ay nakapiit na sa lock up cell ng Tumauini Police Station at sasampahan ng kasong Reckless Impudence Resulting in Multiple Homicide and damage to Property ngayong araw.