Reading Time: 1 minute

(Update) CAUAYAN CITY – Gumagawa na ng hakbang ang mga otoridad para matukoy ang isang ina na nag-flush ng patay na fetus sa comfort room ng isang bus terminal sa Santiago City, kaninang alas tres ng madaling araw.

Natuklasan ng security guard na si Johnny Bernardo Miguel, 33, residente ng Purok 5, Cebu, San Isidro, Isabela ang patay na fetus sa toilet bowl ng isang female comfort room ng Florida Bus Terminal sa Maharlika Highway, Villasis, Santiago City.

Dakong alas-4:00 ng umaga ay nakatanggap ang Police Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO) ng tawag mula sa personnel ng traffic group para ipabatid ang pagkakatagpo sa patay na fetus sa nasabing bus terminal.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga tumugon na pulis na dakong alas-3:30 ng madaling araw nang ipabatid ng isang passenger sa security guard ang pagbara ng toilet bowl at sa inspection ay natuklasan ang pag-flush sa patay na fetus.

Ang pangyayaring ito ay agad na inireport ng security guard sa mga naka-duty na pulis sa nasabing lugar.