-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nananawagan muli ang isang lady senator na kung maaari ay hanapin at i-deport na sa China ang mga blacklisted criminals na nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng pastillas scheme na kinasasangkutan ng ilang maanomalyang personnel ng Bureau of Immigration.

Kung maaalala, ngayong araw sana ang nakatakdang ika-limang hearing ng Senado hinggil sa nasabing isyu ngunit pansamantala muna itong ipinagpaliban dahil sa banta ng 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, binigyang- diin ni Senate committee on women, family relations and gender equality chairman Sen. Risa Hontiveros na dapat umano ay maideport kaagad ang mga Chinese nationals na itinuturing na blacklisted criminals na nakinabang sa nasabing bribery scheme at nakakapagtrabaho ngayon sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) upang hindi na sila makagawa ng krimen sa bansa.

Samantala, sa hearing sana ngayong araw ay inaasahang dadalo si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre upang makapagpaliwanag ito matapos na makaladkad ang kaniyang pangalan hinggil sa pastillas scheme.

Sa ngayon, wala pang itinakdang petsa para sa nasabing hearing matapos itong i-postpone ngayong araw ngunit tiniyak ni Hontiveros na magsasagawa sila ng pagdinig bago magpalabas ng committee report.