-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpatupad ng class suspension ang ilang bayan sa Albay matapos ang naranasang malakas na buhos ng ulan.

Sa inilabas na abiso ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Manito chairman at Mayor Joshua Daep, ipinag-utos nito ang pagsuspinde sa pasok sa lahat ng antas sa bayan.

Pinag-iingat din ang mga residente sa pagtawid sa mga ilog sa banta ng mga pagbaha.

Inalerto naman ang mga barangay officials lalo na sa low-lying areas na mag-monitor sa sitwasyon.

Samantala, nagdeklara rin ng class suspension si Mayor Armando Romano ng Bacacay sa island barangays.

Ang naturang mga pag-ulan na nararanasan sa ilang bahagi ng Bicol ay dulot ng Tail End of a Cold Front na posibleng magtagal hanggang sa Huwebes ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) weather bureau.