-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Suspendido na ang pasok sa ilang mga lugar sa Bicol dahil sa inaasahang sama ng panahon na dadalhin ng Bagyong Paeng.

Base sa ipinalabas na abiso ng Provincial Government ng Albay at Catanduanes, kanselado na ang lahat ng pasok sa lahat ng lebel mapa-pribado man o pampublikong eskwelahan.

Nagsuspendi na rin ng pasok ang gobernador ng Sorsogon na si Governor Edwin “Boboy” Hamor para sa lahat ng mga paaralan simula bukas, araw ng Biyernes.

Pinaghahanda na rin ang lahat ng mga Disaster Risk Reduction and Management Council para sa posibleng pagresponde sa epekto ng bagyo habang mahigpit na pinag-iingat ang mga residente.

Inaasahan na rin ang matataas na alon sa karagatan dahil sa malakas na pag-ulan at hangin na dala ng bagyo kung kaya mahigpit na munang pinagbabawalan ang mga mangingisda na pumalaot.