Nagsimula nang tumanggap ng walk-in ang Pasay City government para sa mga magpapabakuna na pasok sa ilalim ng A4 category.
Ang kondisyon lamang ay kailanga kompleto ang mga dokumento ng mga walk-in registrants na ito para isumite sa vaccination site, ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Sinabi ng alkalde na ang mga empleyado sa pribadong kompanya na pre-listed sa “Vacc to the Future” vaccination program ng city government ay bibigyan ng appointment date para sa kanilang vaccination.
Sa mga private companies sa lungsod na nais namang mabakunahan na ang kanilang mga empleyado ay kailangan lamang magsumite ng listahan ng mga pangalan ng mga papaturukan na indibidwal sa commandcenterpasay@gmail.com para sa appointment sa kanilang pagpapabakuna.
Sa ngayon, bukod sa A4 category, sinabi ni Rubiano na tuloy-tuloy pa rin naman ang inoculation ng A1 (frontline health workers), A2 (senior citizens), at A3 (mga mayroong comorbidity).
Mayroon din aniya silang mobile vaccination sa mga bedridden nang senior citizens at iyong mayroong mga comorbidities.
Samantala, bukas, Hunyo 9, nakatakda namang simulan ng Taguig City Government ang pagbabakuna sa A4 priority group.










